when random thoughts come together

Monday, August 23, 2004

Background: I forced myself to write something last night because one of my former students texted me about a story I wrote several years ago. I just realized, I have not written a story in so many years. And that felt sad. So here is my first attempt after so long. It's terrible I know. Practice lang muna.

August 22, 2004
11:15 PM

AGAM-AGAM

Napangiti ako. Kakaiba siya. Siya. Iyon. Iyong babae na nakaupo sa couch ng coffeeshop. May tattoo siya ng big dipper sa left side ng leeg niya. Pero mukhang henna lang naman. Spider-web ang hikaw niya. Doc Martens ang sapatos. Paano mo ba naman siya hindi mapapansin?

Parang walang pakialam sa mundo habang nakasubsob sa pagbabasa ng kanyang libro na malapit na niyang matapos. Pride and Prejudice. Mukhang mahilig sa classics. May isa pang nakapatong na libro sa mesa. Nick Hornby. About a Boy. Trip niya yata talaga ang Brit writers, ah.

Ang tagal din kasi nitong si Kalel. Kanina pa ang usapan namin, pero kelan nga ba naman naging on-time ang gagong iyon? Kaka-text lang. Maliligo pa lang daw siya. Konti na lang kukulo na ang dugo ko. Sana nagdala na lang din ako ng libro. Buti na lang nandiyan si Ms. Pride and Prejudice at nakakaaliw panuorin.

Teka, bakit ako naaliw? The only time she’s moving naman is when she flips the pages. Wala lang. Nakaaliw lang. Cute din siya uminom ng frosted coffee niya. Kinukutsara ang cream bago iinumin ang kape. Di ba cute?

Pati ba naman pag-inom ng kape niya, napapansin ko? Crush ko kaya siya?

Ba malay? Di ba dapat alam ko ang sagot sa tanong na iyon?

Di naman siya maganda.

Pero may dating. At walang paki.

Oo nga. Di nga niya yata alam na tinitingnan ko siya.

Subsob kasi sa libro. Patapos na. Excited na iyan matapos.

Lapitan ko kaya.

Tapos?

Kausapin.

Paano kung isipin niya epal ka?

Uh… eh, kung kausapin naman niya ako?

Paano kung may boyfriend na siya at siya pala ang hinihintay niya?

Uh… Paano kung mahilig lang talaga siyang magbasa sa loob ng coffeeshop? Malay natin hinihintay niya si Prince Charming tapos pakiramdam nya sa mga taong nagkakape niya matatagpuan iyon? At kapag lumapit ako, iisipan niya ako si Prince Charming?

Paano kung anak pala siya ng isa sa mga kaibigan ng mommy mo, ma-preskuhan sa dating mo at isumbong ka pa?

Paano kung siya na ang para sa akin?

Paano kung man-hater pala siya?

May biglang tumapik sa likod ko. “Pare!”

“Kalel.” Talent ko magtaas ng kilay kahit lalake ako.

“Cool lang, tol. Parang init ng ulo mo.”

“Ano pa nga ba? Pasalamat ka sanay na ako sa iyo.”

“Tara, punta na tayo sa party.”

Napatingin uli ako sa babae. Natapos na niya ang Pride and Prejudice, di ko napansin. Hawak na niya ang High Fidelity. Ang cute ng ngiti niya. Bet ko napanuod na niya iyong movie tapos crush niya si John Cusack. Pero di rin malayo sa dating niya na si Jack Black ang crush niya.

“Pare! Hoy!”

“Ah. Oo. Tara. Sige.” Hmm… bye, could’ve been the one.