Nakapagtataka. Pero Salamat.
Hindi kita tunay na kilala.
Hindi ko alam
kung ano sa iyo
ang nagpapatawa
o nagpapalungkot
o nagpapagalit.
Hindi ko alam
kung ilang taon ka na
o may anak ka ba.
Ni hindi ko naisip
kung anong paborito
mong pagkain
o palabas
o gimik.
Hindi kita tunay na kilala.
Ngunit bakit ibayong lungkot
ang aking nadarama
sa iyong pagyao?
Marahil dahil sa iyo
Ang aking Alon ay natutong
magustuhan at maunwaan ang matematika.
Marahil dahil naririnig ko
ang tawanan ng mga bata sa klase mo.
Iniisip ko,
"ano ang nakakatawa sa math?"
Minsan sinabi ni Alon sa akin,
"Teacher plays Minecraft."
Alam kong ito'y kanyang ikinatuwa.
Nakapagtataka.
Hindi man kita tunay na kilala,
ngunit ibayong lungkot ang meron ako
sa iyong pamamaalam.
Higit sa pagtataka
ako ay lubos na nagpapasalamat.
Sa iyong tiyaga,
sa iyong gabay,
sa iyong pagmamahal
sa mga mag-aaral na sumilong
sa iyong pugad.
Para kay T. Niven
10:03AM
13 May 2023
