kasalanan ng "tulad ng dati"
* * * * *
LANUZA
halakhak ng mga tala,
awitin ng mga alon.
kadaupang palad.
kapatiran.
kaibigan.
pagkapa sa gabi,
mala-alpombra.
nakabinbin sa hangin
ang alat ng dagat.
sinalo ng dilang uhaw,
sabik,
tigang,
sa misteryo ng buhay.
tikim.
subo.
lagok.
kay sarap.
busog na.
gusto pa.
manahimik.
ayan pa rin.
talang humahagikgik.
patuloy pa rin.
humaharana ang alon.
042507 2145
mi casa
* * * * *
MINGAW
segundo.
minuto.
araw.
linggo.
buwan.
taon.
gaano na nga ba katagal
mula nang dumampi
ang kinis ng iyong kabilugan
sa aking kalyadong palad?
matagal ring hinangad
ng umaasang papel
na mahalikan
ng iyong tinta
ngunit nagkait ka.
nagdamot sa mga salitang
may tinatagong hiwaga.
ikinulong ang mga
sikretong dapat ibunyag,
ngunit di kailangang maunawaan.
sapat nang masabi.
ayan kang muli.
pansamantala man.
dumating pa rin.
Labels: lanuza, tula, tulad ng dati
